Monday, February 25, 2008

Diaries

February 1, 2008 11:00pm

Hindi ako makasulat ni isang tula para kay Lorena. Ako na isang makata. Bakit ganun? Tuwing tinatangka ko na ilahad ang natatangi naming pagmamahalan, bigla na lang ako natutulala at nauubusan ng ideya.

Ilan na ba ang nagawa kong tula. Sampu, beinte, tatlumpu? Hindi ko na mabilang. Akala pa naman ni Lorena, siya ang tinutukoy ko sa mga tula ko na ukol sa pag ibig. Hindi niya alam, lahat ng iyon ay walang koneksiyon sa nararamdaman ko para sa kanya. Para yun sa mga babaeng minahal ko, mga babaeng lumisan, mga babaeng hindi ko nakasundo kahit na abot langit ang pagmamahal ko.

Bakit ganun? Pero sino ba ang mag aakala na hindi para sa kanya ang aking mga likha? Siya ang asawa ko at mahigit kalahating dekada na ang aming pagsasama.

Putangina. Ibig sabihin ba nito hindi ko siya mahal? Hindi. Mahal ko si Lorena.

February 3, 2008 1:00pm

Ang swerte ko kay Mike. Mabuting asawa, mabuting kaibigan at napaka talented pa! haaay, pag sinewerte nga naman. Pag binabasa ko mga tula na gawa niya para saken, hindi ko maiwasan na maluha. Pero bakit ganun, parang hindi ko siya mahal. Teka. Paano ba malalaman kung mahal mo na talaga?Una, hindi ko naranasan na tumibok ang puso ko na sobra sobra tulad nung dinedescribe nya sa mga tula nya. Pangalawa,hindi ko mapicture mukha niya pag matagal ko siyang hindi nakikita. Hindi ako kinikilig. Hindi ko siya namimiss. Pero hindi ko siya kayang iwan, kailangan ko si Mike. Mas malakas ako, mas confident pag andiyan siya. At saka wala din naman akong ibang gusto kundi siya. Nirerespeto ko siya. Hinahangaan ng sobra sobra. Hindi na ko makakakita ng katulad niya sa mundong ito. Shet shet. My god, sa tagal namen, eto pa din dilemma ko. NAkakaguilty. Mike doesn’t deserve this. He loves me.


February 3, 2008 11:00pm

Mga alala kasama si Lorena (subject para sa tula)

· magkahawak kamay kami habang nakaupo sa dalampasigan tapos nakakita kami ng maliit na batang lalaki naglalaro sa buhanginan

· unang pag aaway namin kung saan napaiyak ako nung nakita ko siyang lumuha.

· Pag niniig.

· Ang aming ikalimang anibersaryo

Shet. Naalala ko na naman yung ikalimang taon naming anibersaryo, nakakatawa. Lahat ng hinanda kong surpresa para kay Lorena, lahat palpak. Eto na lang isusulat ko.

….

Bukas na lang.


February 5, 2008 2pm

Malapit na pala ang ika pito naming anibersaryo. Naalala ko tuloy ang ikalima naming anibersaryo. Andaming hinanda ni Mike para sakin. Pero pilit ko iniiwasan. Kasi naman, nakakaguilty. Parang I don’t deserve those things. Pero hinayaan ko na din. Buti hindi nahalata ni Mike.


February 6, 2008 3am

Nilipad ng hanging habagat

Ang lahat ng aking alaala

At iniwan sa sinapupunan

Ng aking pagkatao ang isang memorya.


Mababaw. Gasgas na. bukas na nga lang.

February 6, 2008 3am

Nakatingin ako kay Mike habang sinusulat ko ito. Kaharap niya ang notbuk niya habang nanonood ng TV sa sala. Nagsusulat na naman siguro siya ng tula. Sana katulad ko siya. Sana makasulat ako ng kahit anung malalim na akda para ipakita ko ang pasasalamat ko na siya ang pinakasalan ko.

February 7, 2008 6am

Kaninang madaling araw. Sumuko na ako. Hindi ako makabuo ng kahit ano sa aking pagsusulat. Alauna ng umaga ng nahiga na ko sa kama. Niyakap ko si Lorena at naiyak sa sinabi niya. Mahal ko si Lorena. Hindi man katulad ng nasa aking mga tula ang nararamdaman ko para sa kanya, hindi ko kayang ipagpalit kung ano mang meron kaming dalawa.


February 7, 2008 7am

Kakaalis lang ni Mike papunta sa trabaho. Ito ang araw ng aming 7th anniversary. Kaninang madaling araw, alauna na siya nagpahinga. Nung niyakap niya ako, Nag isip agad ako ng sasabihin. Kahit ano, kahit hindi totoo basta dapat madrama at malalim. Sabi ko sa kanya, sa mga ganitong panahon na kayakap ko siya, ay mga panahon na lalo ko siyang namimiss..

Pero iniisip ko ngayon, may katotohanan yun. Namimiss ko nga ba siya? Paano ba magkamiss ng minamahal? Hay. Magluluto ako ng paborito ni Mike na ulam. Kahit na lalabas kami, iba pa din yung meron akong inihanda para sa kanya.

1 comment:

fionski said...

I tagged you! You have to do what I did. Visit:
http://www.fionski.com/2008/04/20-questions.html